Ano nga bang emosyon ang hihigit sa galit?
Paano mo haharapin ang marami pang bukas na darating kung ito lang ang nararamdaman mo?
Oo. Galit ako. At wala akong mapagsabihan na galit ako kaya ako nandito ngayon.
Paano ko maiiwasang magalit kung walang pumapawi nito?
Galit ako sa mga taong mapagsamantala. Hambog. Mapagkunwari. Sinungaling. Manloloko. Mapanakit. Bastos. Iresponsable. Manhid. At marami pa...
Galit ako sa mga taong dahilan ng hindi ko pagkakaroon ng kapayapaan sa ngayon.
*
Mga taong walang pagpapahalaga sa iba. Walang puso. Wala sa tamang pag-iisip. Sa madaling salita, BOBO! Sila na walang kakuntentuhan. Sila na nagpapadala sa tawag ng laman. Sila na walang alam kundi kabastusan. Walang inisip kundi ang sariling kaligayahan. Galit ako sa kanya. Galit na galit. Hanggang ngayon, hindi ko makakalimutan ang pananamantala n’ya sa batang walang kalaban-laban. Walang magagawa, mahawakan n’ya lang ang mga kamay nito. Nung mga panahong ‘yon, hindi niya naiisip ang kahihinatnan ng mga ginagawa n’ya. Ang mga lalaki nga naman. Wala nang hihigit pa sa galit ko sa kanya, sa palagay ko. Ang mga kahihiyang inabot ko sa kamay nila. Ang karumihan sa pangalan ko na ikinabit nila. Ang sobrang takot na idinulot ng kawalanghiyaan niya! Ang pang-aaping ginawa nila. Ang pagpapakita ng kalaswaan sa batang walang ideya sa mga kababuyang ginagawa niya.
Isa siyang hayop na naging tao, pero asal-hayop pa rin!
*
Wala akong pakialam kung hindi sila naniwala sa ‘kin. Wala akong pakialam kung mabuti pa rin siya sa paningin nilang lahat. Wala akong pakialam kung maganda pa rin ang buhay nila sa kabila ng lahat ng kasamaang ipinakita at ginawa nila.
Lahat ng bagay may karma.
Darating ang araw, mararamdaman din nila ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Ang kahihiyang inabot ko. Ang kaguluhan ng isip ko. Ang hindi ko pagkakaroon ng kapayapaan. Ang takot na naramdaman ko. Ang kawalan ng kumpyansa sa sarili. Ang hindi ko pagtitiwala sa kahit na sinong tao. At higit sa lahat, ang matinding galit na itinanim nila sa puso ko. Mahihirapan din sila. At alam kong malapit na ang araw na ‘yon.
*
Kailangan lang nilang maghintay ng kaunti pang panahon. Sandali na lang, makikita na nila ang malaking pagkakaiba sa batang sinamantala noon ng bulok nilang ama. Oo. Bulok siya.
Isang taong amoy-lupa at kadiri-diring nilalang!
Sandali na lang, mapatutunayan nila mismo sa mga sarili nila, na ang batang ‘yon, mas matalino kaysa sinuman sa kanila. Mas magaling. Mas marunong umintindi. Hindi ko lang mararating lahat nang narating nila. Lalampasan ko pa!
Recent Comments